RSS

Tag Archives: disiplina

Alin Ang Mas Mainam na Disiplina sa Anak, Pangaral o Pamalo?

Medals-gold13

Top post of 2013

Medals-gold14

Top post of 2014

Medals-silver15

Sabi nila, buti pa ang mga bata noon, disiplinado. Bahay at eskwela lang ang kanilang mundo. Ang kanilang gawain ay ang mag-aaral at tumulong sa mga gawaing bahay. Ngayon, karamihan sa mga bata ay madalas na nasa labas ng bahay, gala rito at gala roon. Kaya nga maraming napapabalitang mga bata na napapahamak. Bihira na lang rin silang mag-aral. Para sa kanila, makapasa lang ay ayos na kahit pa sabihing ang kanilang grado ay pasang-awa lang. Hindi na nga nakakatulong sa bahay ay nagiging sakit pa ng ulo. Syempre, hindi ito hinahayaan lang ng mga magulang. Marapat na habang bata pa lang ay madisiplina na upang sa kanilang paglaki ay hindi sila mapariwara.

May dalawang istilo na ginagamit ang mga magulang, ang pagbibigay ng pangaral o sermon at ang pamamalo. Noon pa man ay ginagamit na ang istilo ng pamamalo sa pagdidisiplina sa mga bata at may mga iba na ginagamit pa rin ito hanggang ngayon. Maski nga sa mga eskwelahan noon ay ganito ang sistema. Mas madadala umano ang mga bata sa ganitong paraan. Kapag sila’y pinalo, hindi na nila uulitin ang kanilang ginawa dahil sa takot na paluing muli. Subalit sa kabila nito, ano ang natututuhan ng bata? Ang maging disiplinado upang hindi mapalo? Ang mag-aral para makasagot sa tanong ng guro at hindi mapalo? Nasaan ang aral doon? Kaya nga nariyan ang pagbibigay ng pangaral, mula sa salitang-ugat na ‘aral’. Ito na ang ginagamit ng mga magulang sa ngayon pagdating sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak. Sa ganitong paraan, mauunawaan ng mga bata kung bakit nagalit ang kanilang mga magulang. Mapagtatanto rin nila na mali nga ang kanilang ginawa. Higit sa lahat, alam na nila ang hindi at dapat nilang gawin sa susunod.

Basahin din: Pagpapalaki sa Isang Anak

Sa panahon ngayon, may mga magulang na pinapairal pa rin ang pamamalo. Ayon sa kanila, pasok sa isang tainga at labas sa kabila lang naman ang ginagawa ng mga bata kapag sinesermonan. Subalit sa aking pananaw, mas mainam na disiplinahin ang bata sa pamamagitan ng pangaral. Ang pamamalo ay sa pisikal lamang na pagbibigay ng leksyon. Ang mga bakas ay humihilom at nawawala. Samantalang ang panenermon ay nakakaapekto sa ispiritiwal na kalikasan ng bata. Kaya naman sa tuwing gagawa siya ng mali, nariyan ang kaniyang mabuting konsensya na magpapaalala sa kanya. Isa pa, makakatulong ito upang matamo ang kanilang kaganapan pagdating sa pagdedesisyon.

 
36 mga puna

Posted by sa Oktubre 31, 2012 in Sanaysay

 

Mga kataga , , , , , , ,